Nag-uumapaw na pag-ibig ng Diyos
Kabanal-banalang Puso ni Hesus
John 19:31-37
Sa Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus, binubuksan tayo sa isang katotohanan na ang Diyos ay pag-ibig; hindi lamang ito pag-ibig sa nibel ng isipan kundi pag-ibig sa mismong nibel ng buhay, nanunuot, nagbabasbas, at namumunga rin ng wagas na pag-ibig.Mula sa unang pagbasa, sa aklat ni propeta Hosea, ang Israel ay tinuring niyang kanyang anak, pinalaya, pinalakad, at tinuruan. Ngunit nagdurugo ang kanyang puso sa galit; hindi nakikinig and Israel. Ano ang kanyang gagawin? Hindi niya sisirain ang Ephraim. Sapagkat siya'y Diyos, hindi tao.
Ito ang pag-ibig ng Diyos: kung nakakaranas tayong magkasala, andyan siya upang tayo'y patawarin at patuloy na buhusan ng pag-ibig. Ang tugon natin? Paghingi ng tawad.
Ikalawa, ang pag-ibig ng Diyos ay pinaapaw ng Espiritu Santo sa puso natin, kung kaya't nakikilala natin si Kristo at malaman ang kanyang pagliligtas. Ang pag-ibig ng Diyos ay kasingtulad ni Hesus, ang kanyang paghihirap, pagpapakasakit, kamatayan, at Muling Pagkabuhay - lahat alang-alang sa atin.
Ito ang pag-ibig ng Diyos: nagliligtas!
Ikatlo, sa ebanghelyo, kahit na si Kristo'y patay na, umapaw pa rin ang tubig at dugo, simbolo ng buhay na ginagawad ng Panginoon sa Simbahan sa pamamagitan ng kanyang mga sakramento. Ang Simbahan mismo, tayong lahat tanda ng nag-uumapaw na pag-ibig ng Diyos.
Patuloy tayong magmahalan, magpatawarawan at magtulungan sa ikasisigla ng lahat sa pananampalataya.
Comments