ngayon isasama kita sa paraiso

Sinambit na ni Kristo ang ikalawang huling salita, "Ngayon isasama kita sa paraiso."

Sinabi niya ito sa rurok ng kanyang paghihirap, sa panahong pati ang salaring nasa kanyang kaliwa'y tinutuya siya, "iligtas mo ang iyong sarili pati na kami."

Sa krus, nakita pa rin ni Hesus ang dalisay na puso ng kanyang kapwa, "Hindi ka ba nahihiya sa iyong sinabi.  tayo ay nagkasala, ngunit wala siyang kasalanan."

Handa na yung isang salarin na siya maparusahan.  Ang tanging kanyang nasambit na lamang ay, "Panginoon, alalahanin mo na lamang ako sa iyong kaharian."

May dalawang uri ng pagtugon sa Panginoon.  Yung isa'y nanunuya, nang-iinsulto, sakim, makasarili, namimilit na siya'y iligtas at pagaanin ang buhay, Kahit ang iba'y naghihirap, siya'y hindi. Yaong isa nama'y humigingi ng tawad, mapagkumbaba.  Doon sasabihin ni Hesus, "Ngayon, isasama kita sa paraiso."

Yaong isa, naniniwala sa paraisong nilikha ng Diyos noong unang panahon.  Naniniwala pa ba tayo sa buhay na walang hanggan at sa kaharian ni Hesus habang tayo'y nabubuhay sa mundong ito o sadyang pinagbili na natin ang ating sarili?

Sariling karanasan ko'y hindi ko kayang gumawa ng desisyon na ang batayan ay hanggang dito lamang sa daigdig.  Anong mapapala ko, makuha ko man ang daigdig kung ang ibig sabihin nito'y pagkagunaw ng aking kaluluwa.

Ikalawa, anong batayan ang ginagamit nating panukat sa iba?  batayan ng mundo, o batayan ng Diyos?  Ang tunay nating hangarin, tayong lahat, ay mapatawad ng Diyos.  Ito ang magandang panukat sa atin, ang matanggap ng lahat ang kapatawaran ng Diyos.

Ikatlo, hangarin natin ang langit dito sa lupa.  naniniwala ako na ang paglalakbay sa langit ay nagsisimula dito sa lupa.  Kung hindi natin nakikita ang langit sa lupa, paano pa tayo makaaabot sa tunay na langit?  At ano ang langit?  Hindi ba ito'y Diyos na namumuno dito pa lamang sa lupa?

Hindi atin ang lupang ito.  Ito'y pag-aari ng Diyos.  Gawin nating paraiso ang mundong ito.  Ito ang ating pagtrabahuhan dito sa lupa, ang mamuno ang Diyos sa ating buhay.




Comments

Popular posts from this blog

Saturday of the 1st week of Lent