Pasasalamat sa Mahal na Obispo Francisco San Diego

Modelo ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig

Ni Padre Lito Jopson

Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon sa maraming mga pagkakataon na naging biyaya si Obispo Francisco San Diego sa aking buhay.  Nagsilbi siyang haligi ng aking buhay sa tatlong pamamaraan:

Una, haligi siya sa pagkakatatag ng matibay na pananampalataya sa Diyosesis ng Pasig.   Kasama ako sa pagkakatatag ng Pasig noong Agosto 2003.  Nahiwalay man sa Maynila na may kasamang agam-agam, ngunit unti-unti itong naibsan sa pagpasok ng isang obispong nagsilbing unang ama ng bagong katatatag na simbahan.

Tila ang buong diwa ng Diyosesis ng Pasig ay diwa ni Bishop Francisco - sa structura, sa building, sa mga opisina.  Ngunit di man natin alam, sa istruktura rin ng pananampalataya sa puso ng bawat nakatira rito at sa paglago nito.  Para sa akin, sa Bishop Francisco ang haligi ng matibay na pananampalataya sa Pasig.

Pangalawa, haligi para sa akin si Bishop Francisco sa pag-asa ng isang maliwanag na kinabukasan.  Walang kaduda-dudang ang pag-sang-ayon niyang ako'y paaralin sa ibang bansa upang magsanay pa sa daigdig ng komunikasyon.  At sa aking pagbabalik ay sa parokya agad ako nilagay hanggang sa isa pa, hanggang sa kanyang pagretiro.  Kapag bumibisita ako kay Bishop Francisco, para akong nakaharap sa aking tatay.  May mga bagay kaming napag-uusapan ngunit ang nadarama ko'y lubos na pagtanggap.  May pag-asa akong naramdaman na ang aking ministeryo'y hinuhubog at inaalagaan.  Wala ni isang sandali na ako'y kinagalitan.  May pag-asa ang aking paglilingkod bilang isang pari.

Ikatlo, haligi para sa akin si Bishop Francisco sa pag-ibig.  Noong nagkasakit ang nanay ko at nasa ICU ng Cardinal Santos, siya ring pagkakapunta ni Bishop Francisco sa ospital dahil sa pneumonia.  Gumaling ang Obispo; ang nanay ko'y sumakabilang buhay.  At sa kanyang wake, bumisita siya na magaling na at nagdiwang ng banal na misa.  Noon ko lang nalaman na ang pagsusuot ng sash ng Lourdes ay mula sa pagkabata hanggang sa dulo ng buhay.  Sa madali't salita, mula sa pagkabata hanggang sa kamatayan ng aking nanay ay balot ito sa pag-ibig ng mahal na Ina at lalo na ng Panginoong Hesukristo.

Pag-ibig ang sanhi ng paglilingkod ni Bishop Francisco hanggang sa kadulu-duluhan ng buhay niya.  Nararamdaman naming mga pari ang hirap na dinaranas ni Bishop Francisco dahil sa kanyang sakit, labas-masok sa ospital, ngunit kapag gumaling ay maglilingkod muli na parang hindi nagkasakit.

Noong huling binisita ko siya sa Bishop's residence, isang ngiti ang bumati sa akin, "Ito ang parish priest ng Immaculate Conception Cathedral!"  Ito ang ngiting parating bumabati sa akin ... kahit pagod na, kahit nasasaktan na ...  Diyos na lamang ang bumubuhay sa Bishop Francisco.

Nabanggit ko ang lahat ng mga ito upang sabihin sa inyo, sa gitna ng maraming mga balakid sa buhay, sa mga kasalanan ng tao, maari pa rin tayong mamuhay sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig.  Maniwala lamang tayo sa mga umaakay ng mga kahalagahang ito, upang sa pagdating ng panahon, maisabuhay din natin ito at maipasa sa iba.  Tunay nga, ang bumubuhay sa Simbahan ay pananampalataya sa Diyos, pag-asa sa kanya, at pag-ibig sa kanya't sa kapwa.

Comments

Popular posts from this blog

ngayon isasama kita sa paraiso

Pamumunga ni San Josemaria Escriva de Balaguer